Tinta ng Tagumpay: Butuan City, nasungkit ang 2nd Runner-Up Overall sa Caraga RSPC 2026
Ni: Joshua L. Arienza
Campus Journalist
NASIPIT, AGUSAN DEL NORTE — Muling pinatunayan ng Lungsod ng Butuan ang kanilang galing sa larangan ng pamamahayag matapos masungkit ng Division of Butuan City ang titulong 2nd Runner-Up Overall sa nakaraang Regional Schools Press Conference (RSPC) 2026 na ginanap noong Pebrero 21, Lungsod ng Nasipit, Agusan del Norte.
Ayon kay Gng. Angelie Alvizo, DepEd Butuan City Journalism Coordinator, ang tagumpay na ito ay bunga ng dedikasyon at husay ng mga kabataang mamamahayag. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nagsagawa ng isang intensibong pagsasanay ang mga mag-aaral bilang paghahanda sa naturang patimpalak.
“Congratulations sa ating mga campus journalists, school paper advisers, at DepEd Butuan City Division sa panibagong tagumpay na ito na nagbigay ng dangal sa ating lungsod,” pahayag ni Alvizo.
“Hindi naging madali ang proseso ng ating paghahanda, ngunit sa ipinakitang dedikasyon ng ating mga mag-aaral at suporta ng mga guro, naging posible ang tagumpay na ito.” Dagdag pa niya.
Ibinahagi rin ng koordineytor na patuloy ang suporta ng dibisyon sa mga programa na naglilinang sa kritikal na pag-iisip ng kabataan. “Isang malaking karangalan ang inyong naipamalas at makakaasa kayo na ang ating dibisyon ay laging nakatutok sa pagtataguyod ng inyong mga adhikaing pampamahayag,” pahayag ng koordineytor.
Bumuhos ang parangal sa indibidwal na kategorya sa antas ng elementarya matapos makuha ng dibisyon ang 1st Place sa Editorial Writing, Feature Writing, Science and Technology Writing (English), at Pagwawasto ng Sipi at Pag-uulo ng Balita (Filipino).
Nakamit din ng mga mag-aaral ang 2nd Place sa Science and Technology Writing (English), Sports Writing (English), Editorial Cartooning (English), at Pagwawasto ng Sipi at Pag-uulo ng Balita (Filipino); habang pumangatlo (3rd Place) naman ang koponan sa Pagsulat ng Agham at Teknolohiya (Filipino).
Sa pangkatang kompetisyon, nagningning ang elementarya nang maiuwi ang 1st Place sa iba’t ibang sub-category awards sa Radio Broadcasting. Nasungkit din nila ang 2nd Place sa Best Script (Radio Broadcasting – English) at 3rd Place sa Best in Over-all Radio Production at Technical Application.
Hindi rin nagpahuli ang antas ng sekondarya nang iuwi ng mga pampasalang mamamahayag ang kampeonato: (1st Place) sa Editorial Writing at Copy Reading and Headline Writing.
Humakot din ng parangal ang mga high school journalists matapos makuha ang 2nd Place sa Sports Writing at Pagsulat ng Agham at Teknolohiya; pati na rin ang 3rd Place sa News Writing, Feature Writing, Science and Technology Writing, at Pagsulat ng Kolum.
Para sa pangkatang labanan, namayagpag at itinanghal na 1st Place ang Secondary Filipino team sa Collaborative and Desktop Publishing at Best in Infomercial para sa Radio Broadcasting. Nasungkit din ng dibisyon ang 3rd Place sa Collaborative and Desktop Publishing (English), at 4th Place sa Best in Technical Application, Developmental Communication, at Over-all Radio Production.
Ang tagumpay na ito ng Lungsod ng Butuan sa Caraga RSPC 2026 ay isang malinaw na patunay na ang kalidad ng campus journalism sa rehiyon ay patuloy na umaangat at may sapat na lakas upang makipagsabayan sa pambansang antas ng kompetisyon. ###
