Mocha Uson, nais na mawala ang soft porn at kalaswaan sa telebisyon
Kahit naging masugid na tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte noong panahon ng kampanya, iginiit ni Mocha Uson na hindi niya hiningi ang posisyon bilang board member ng Movie and Television Review And Classification Board (MTRCB).
Nitong Huwebes, kinumpirma ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang paghirang ng Malacañang kay Uson sa MRTCB na tatagal ang termino hanggang Setyembre 30.
Sinabi rin ni MTRCB chairperson Toto Villareal na natanggap na nila ang appointment papers ni Uson, na isang singer, dancer, at blogger.
Sa ulat ng GMA News “Saksi,” sinabi ni Mocha, Margaux Uson sa tunay na buhay, na inalok sa kanya at hindi niya hiningi ang naturang posisyon sa MTRCB.
Ipagpapatuloy din umano niya ang kanyang blog para sa pagpapakalat ng impormasyon at pagkuha sa pulso ng publiko kaugnay sa mga gagawing pagbabago sa telebisyon.
Kabilang umano sa kaniyang mga planong gawin bilang miyembro ng MTRCB ay alisin ang kalaswaan sa mga programa sa telebisyon.
“Mas interesado ako dito sa telebisyon na magkaroon ng pagbabago sa mga programa, na mawala na ang soft porn at kalaswaan,” ani Mocha.
“Napagdaanan ko ‘yon, na-experience ko ‘yon at nagbago na nga ako,” dagdag niya.
Sa ngayon, hindi pa raw niya alam kung magkakasuweldo siya sa MTRCB pero nangako siyang ido-donate ito sa Duterte’s Kitchen o sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) center.
Sa naunang panayam, sinabi ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III “very good choice” ang pagkakahirang kay Mocha sa MTRCB.
“She is a very good choice because she abounds with common sense and knows the pulse of the public well,” saad ng actor turned politician sa text message.
Inilarawan naman ni Presidential Communications Office head Secretary Martin Andanar described Uson, na “one of the biggest artists” sa bansa si Mocha.
“Mocha is an artist. She is one of the biggest artists that we have in the country. She’s been in the show business world for more than a decade. She’s one of the biggest bloggers that we have in the Philippines, very influential,” ani Andanar.
Si Mocha ang pinakabagong celebrity na itinalaga ni Duterte sa posisyon.
Nauna nang itinalaga ni Duterte sina Cesar Montano (Tourism Promotions Board); Arnell Ignacio (PAGCOR); Kat de Castro (Tourism Undersecretary), Aiza Seguerra (National Youth Commission), at si Liza Diño (Film Development Council of the Philippines). ## – (FRJ, GMA News)