Panibagong Taon; Panibagong Hamon Pasokan 2024
Isinulat ni: DAYLINDA B. GARDIOLA
Matapos ang isang buwang bakasyon kung saan mga guro at mag-aaral ay nakalikom ng mga magagandang alaala at karanasang babaunin sa panibagong taon na tatahakin sa panibagong taon ng pagkatuto sa ating mga paaralan.
Lahat ay abala na sa paghahanda. Mga magulang na kumakayod ng sobra para mabilhan ng mga gamit pang-eskwela ang mga mahal na anak; papel, lapis, bag, kwaderno at iba pang kagamitang pag-eskwela. Bumibili rin ng mga damit o uniporme at sapatos pang-eskwela sa mga may badyet pa at ang iilan ay nagtiyatiyaga na lamang hanggat magkasya at pwede pa ang mga lumang damit, uniporme at sapatos sa nagdaang taon. Malaking hamon ngayon sa mga magulang ang krisis ng panahon ngunit sa kagustuhang mapaganda ang buhay pagsusumikapang matugunan mga pangangailangan.
Hamon ng mga mag-aaral sa panahon ngayon ay ang paglaban mga distraksyon sa kanilang pag-aaral. Halimbawa na dito ay ang pakalulong sa paggamit cellphone, kompyuter, telebisyon at kung minsan pa’y droga na kung babaliwalain maaring makawala ng gana at atensyon sa pag-aaral na dapat yaon ang dapat na inaatupag ng mga kabataan para sa kanilang bukas. Kaya magulang at guro nawa’y hindi tayo magkulang sa paggabay at pagpapaalala sa kanila nang sa gayon silay maliwanagan at maagapan pa.
Sa lahat ng abala si titser ang mas nangunguna dahil sa kabila ng abala sa paghahanda ng mga sariling anak sa pagbubukas ng eskwela, heto pa ang Brigada Eskwela kung saan mga guro ay nagiging pintor, karpintero at kargador. Ito ay kakayanin mapaganda lang ang silid-aralan at paaralan sa kabuuan upang sa pagpasok ng mga estudyante maaliwalas at komportableng silid-aralan ang masisilayan. Mayroon namang mga magulang na sadyang maganda ang kalooban handang tumulong sa mga gawain upang trabaho ni titser ay mapagaan. Maraming salamat sainyo mga mahal naming magulang kayo ay naging malaking parte upang ang pasokan ngayong taon ay matagumpay.
Heto pa ang isa pang hamon ng pagbabago na susubok sa katatagan nating mga guro. Ang bagong MATATAG Kurikulum na sisimulan na sa kindergarten, baitang 1,4 at 7 ngayong taon. Ito ay isang kurikulum na naglalayong hubugin ang ating mga kabataan na magkaroon ng mga kakayahan at talino upang maging handa sa makabagong mundo. Ito ay pinag-isipan at nakabase sa mga pag-aaral ng mga dalubhasa hindi lamang basta-basta ginawa. Pinagsama at hinimay-himay ang mga kasanayan sa bawat asignatura ng sa gayon mabigyan ng halaga ang mga mahahalagang kasanayang pampagkatuto na nararapat maituro at mapaunlad sa bawat mag-aaral.
Puspusan rin ang pagsasanay sa mga guro bago pa magpasukan siniguradong lahat ng guro lalo na ang mga guro sa Kindergarten, baitang 1,4 at 7 ay handa na at kumpleto ng mga kagamitan at kaalaman sa pagtuturo sa pamamagitan ng isang linggong School-Based Training on Teachers (SBTT) sa bawat dibisyon. Ginabayan ng mga magagaling na tagapagsanay upang mahasa ang mga guro sa implementasyon ng kurikulum na ito. Ang salitang “Matatag” na ibig sabihin rin ay “malakas” ay isang tahasang paglalarawan sa klase ng mga kabataang ating mahuhubog na magtatapos na isang mapagmahal at aktibong mamamayan na magsusulong ng kaunlaran.
Ayon nga sa sikat na kasabihang, “Ang natatanging pernamente sa mundong ito ay ang Pagbabago”.
Kailangan sumabay tayo sa daloy ng ilog kung saan may mas magandang paroroonan. Yakapin natin ang mga pagbabago ng may pag-asa at harapin ng may lakas ng loob ang hinaraharap tungo sa mas maunlad at magandang Pilipinas. ###