Lampara

Lampara
By JOSEPH G. AMPONG, JR.
School Principal II
Taguibo Elementary School
DepEd Butuan City Division
 
Nakakasakit sa mga mata
ang liwanag na sumasayaw,
nagmumula sa lamparang sadyang
sinindihan upang mailawan
ang aklat na babasahin.
Malapit na ang pagsusulit
kaya kailangan ang masusing
pag-aaral sa bawat aralin.
Ito daw ang sinasabing pagsusunog
ng kilay dahil muntik
na ring masunog ang kilay ko
sa mga gabing tangan ko
ang liwanag mula sa lampara.
Di pa dinaluyan ng kuryente
ang bahagi ng aking munting nayon
kaya kapag gabi’y tanging
liwanag ng lampara ang nagsisilbing
ilaw ng aking mga mata.
Nakakainggit naman ang ibang
kaklase ko na may kuryente sa
kanilang mga bahay. Tiyak kong di
sumasakit at nahihirapan ang kanilang
mga mata tuwing sila’y nagbabasa.
Pero kahit ganito pa man,
di ko magawang magreklamo na lamang.
Pinagsikapan ko na balang araw
makakatikim din ang aking mga mata
ng liwanag mula sa mga bombilya
na pinapailaw ng kuryente.
Sa kabila ng aking pagsisikap
di naman nabigo ang mga liwanag
na ibinabahagi ng lampara sa mga gabi
ng aking pag-aaral.
Sa aking pagtatapos,
nakuha ko ang
Unang Karangalan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *