Rizal Day Message
Sa araw na ito ay ginugunita ng buong bansa ang ika-125 taong anibersaryo ng kamatayan ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose P. Rizal.
Nang dahil sa pag-aalay ng kanyang buhay para sa Inang Bayan, naging inspirasyon ito para sa ating mga ninuno upang kumilos at magkaisa para sa pagbabago at kalayaan ng bawa’t Pilipino. Tunay ngang utang natin kay Dr. Rizal at sa iba pa nating mga bayani ang ating tinatamasang kasarinlan at kalayaan sa modernong panahon.
Ngayon araw na ito, magbalik-tanaw tayo sa nakalipas na may pasasalamat at utang na loob dahil sa buhay na inialay ni Dr. Rizal at iba pang mga martir na nagbuwis ng kanila mga buhay para sa bayan. Suklian natin ang kanilang mga sakripisyo sa paggawa ng matuwid at patuloy na pagmamahal sa Pilipinas.
Magagawa natin ito sa pagpili ng mga karapat-dapat na kandidato na iluluklok natin sa kapangyarihan sa darating na Halalan 2022. Tayo po ay bumoto dala-dala ang pag-asa na ang amga susunod na mamumuno sa ating pamahalaan ay may pusong katulad ng ating mga bayani.
Gunitain rin natin sa araw na ito ang ating mga “modern day heroes” lalung-lalo na ang ating mga frontliners na patuloy na inilalagay sa panganib ang kanilang mga buhay upang tayo ay maging ligtas sa gitna ng pandemya at sa mga kababayanan natin na walang sawa at walang pag-iimbot na naghahatid ng tulong at ayuda sa mga kapatid nating sinalanta ng bagyong Odette.
Sa kanilang lahat, sumasaludo ang bayan na may taus-pusong pasasalamat. #