DepEd magdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa
By HELENNA C. PALEN
Principal III
Ambago Central Elementary School
West-2 District
Alinsunod sa itinakdang Pampanguluhang Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997, na nagpapahayag ng taunang Buwan ng Wikang Pambansa tuwing Agosto 1-31, ang pagdiriwang ay pangungunahan ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF).
Para sa taong ito, ang sabayang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa at Buwan ng Kasaysayan na nagtatakda ng temang, Filipino at Mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino ay naglalayon na ilaan ang Agosto bilang lunsaran ng mga pagpupunyagi sa kasaysayan ng bansa at mga wika.
Layunin ng Buwan ng Wika 2021 ay ang ganap na maipatupad ang Pampanguluhang Proklamasyon blg. 1041; Maiangat ang kamalayan ng mga mamamayang Pilipino ukol sa wika at kasaysayan nito; Mahikayat ang iba’t ibang ahensyang pampamahalaan at pampribado na makiisa sa mga programang tulad nito na nagpapataas ng kamalayag pangwika at sibiko; Maganyak ang mga mamamang Pilipino na pahalagaan ang mga wika ng Filipinas sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa mga Gawain kaugnay ng Buwan ng Wikang Pambansa; at Maipakilala sa mga mamamayang Pilipino ang KWF bilang ahensya ng pamahalaan na nangangalaga sa mga wika ng Filipinas sa pamamagitan ng mga programang pangwika nito.
Hinati sa apat na lingguhang tema ang isang buwang pagdiriwang:
Agosto 2-6, 2021 – Wikang Katutubo:Tanghalan ng Yaman at Kalinangang Katututbo
Agosto 9-13, 2021 – Wikang Katutubo: Wika ng Lahi, Wika ng mga Bayani;
Agosto 16-20 – Wikang Filipino: Bigkis ng Magkakalayong Pulo;
Agosto 23-31 – Mga Wikang Katutubo sa Pagbubuo ng Pambansang Panitikan. ###