Moderno, dekalidad na serbisyo, pwedeng ma-avail sa ospital ng Agusan del Norte
By NORA C. LANUZA
LUNGSOD NG BUTUAN — Upang mas matugonan pa ang pangangailangan ng mga Agusanons at karatig bayan nito lalo na sa panahon ngayon na may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, mas binigyan pa ng dagdag na atensyon ng probinsya ng Agusan del Norte ang pagpapaangat ng serbisyo at pasilidad ang provincial hospital ng probinsya.
Sa pagtutulongan ng provincial government ng Agusan del Norte, Department of Health at Philippine Charity Sweeptakes Office, mga bago at modernong equipment na nagkakahala ng mahigit isang daan at dalawampung milyong peso (P120 million) ang kasalukuyang nasa provincial hospital sa ngayon.
Ayon kay Agusan del Norte provincial health officer at hospital chief Dr. Odelio Y. Ferrer, malaking tulong ito upang magampanan at maibigay ang mga pangangailangan ng mga pasyente lalo na’t “State of the Art” ang mga ito. Siguradong marami ang makikinabang nito at hindi kailangan pang magpunta sa mga private hospitals at sa ibang lugar upang ma-avail ito.
Dagdag pa ni Dr. Ferrer, isa itong katuparan sa ilalim ng Amomang Agusan Program ng AGUSAN Up – ang development agenda ng Agusan del Norte sa pangunguna ni Gobernador Dale B. Corvera na gawing moderno ang mga equipment at magkaroon ng mga espesyalista upang mas mapaganda pa ang serbisyo nito at mas marami pa ang matulongan lalo na sa panahong may pandemya.
Anya, hindi na kailangan pang pumunta sa ibang lugar o sa pribadong ospital ang mga pasyente dahil pwede na itong ma-avail sa naturang ospital. Sa ngayon mayroon na itong intensive care unit para sa adult at pedia, neonatal intensive care unit, high risk pregnancy unit, respiratory unit, physical therapy unit, endoscopy unit, minimal access surgery unit, COVID-19 triage, queuing system and new admitting section at marami pang iba.
Ayon din kay Gob. Corvera na suportado at seryoso ang probinsya sa tuloy-tuloy na pagpapamoderno sa ospital pati na rin ang mga municipal at barangay health centers upang masiguro ang kalidad ng health services ng probinsya. (PIA Agusan del Norte)