DPWH Caraga patuloy ang konstruksyon ng farm-to-market road projects

By NORA C. LANUZA

LUNGSOD NG BUTUAN — Sa kabila ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), patuloy pa rin ang konstruksyon ng farm-to-market road projects o FMRs sa rehiyon ng Caraga.

Ayon kay Department of Public Works and Highways Caraga regional director Engr. Pol Delos Santos, nasa 93 porsyento na ang natapos sa mga proyektong ito sa buong rehiyon at inaasahang matatapos sa nakatakdang petsa sa loob ng kasalukuyang taon.

Anya patuloy rin ang kanilang pagsunod sa health protocols para matiyak ang proteksyon ng mga manggagawa.

Kabilang sa mga natapos na major projects ng DPWH Caraga ay ang FMRs sa probinsya ng Agusan del Sur, Dinagat islands, Surigao del Norte at Surigao del Sur.

Minamadali din ng DPWH ang konstruksyon ng nasirang bahagi ng Agusan-Bukidnon road sa barangay Calayagon, Buenavista, Agusan del Norte. Ito ay isang landslide prone area na sinira ng tropical storm Seniang noong taong 2015 at nasa mahigit nobenta porseynto na ang natapos dito.

Malaking tulong sa mga magsasaka ang farm-to-market roads upang mas maging madali ang pagbiyahe ng kanilang mga ani at produkto sa merkado. Isa rin ito sa mga susi para sa paglago ng mga negosyo at pagpapaunlad sa ekonomiya ng rehiyon.

Maliban naman sa mga proyektong pangkaunlaran, patuloy ang koordinasyon ng DPWH at LGUs sa rehiyon para sa paglaban sa COVID19.

May mga testing cubicles na natapos na sa lungsod ng Butuan na gagamitin sa rapid at swab testing activities.

Maliban sa konstruksyon ng cubicles, tutulong din ang DPWH sa konstruksyon ng 50-bed isolation facility na itatayo sa 1,000 square meter lot sa bawat distrito ng rehiyon. (PIA Caraga)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *