REGULASYON ANG GAWING AKSYON

Reah G. Ayon

Tungao Central Elementary School

Department of Education Butuan City
Inihain sa kamara de Representantes ang dalawang panukalang batas na nagbabawal sa pagbibigay ng mga takdang-aralin sa mga estudyante.
         
Sa ilalim ng house bill 3611 na akda ni House deputy speaker Evelina Escudero,  magkakaroon ng no-homework policy ang kagawaran ng edukasyon mula kinder hanggang high school. “homeworks assignments can deprive students and parents precious quality time for rest, relaxation and interaction after school hours and even on weekends,” ani Escudero sa kanyang panayam. Sa walang pagbabasakali, oo ito ay mabuti upang maibalik ang pagkatuto ng mga bata sa kanilang mga magulang sapagkat sa tahanan dapat nagmumula ang pangunahing guro. Ngunit hindi maipagkakaila na kung ganito ang mangyayari, mas lalong mahihirapan ang mga estudyante sa paaralan dahil wala na silang takdang aralin na gagawin sa bahay at wala ring makakatulong sa kanila sapagkat hindi pa sila maaring umuwi hangga’t hindi nila natatapos ang kanilang mga gawain sa paaralan.
         
Kasama rin sa kanyang panukala na huwag ipauwi  sa mga estudyante ang kanilang mga aklat araw-araw dahil may epekto ito sa kanilang kalusugan. Kaugnay nito, sinabi sa panukala na dapat siguruhin ng lahat ng basic education schools na bigyan ng sariling locker ang bawat estudyante kung saan nila maaring iwanan ang kanilang mga aklat pampaaralan. Ang unang house bill ay pinasa ni Sen. Grace Poe sa senado na naglalayong ipagbawal ang pagbibigay ng takdang aralin kada “weekend’” habang ang ikalawang batas ay iminungkahi nina rep. Evelina Escudeo at Alfred Vargas. Nakasaad sa batas na paparusahan ang mga gurong lalabag ng dalawang taon ng pagkakabilanggo at multa na Php 50,000.00. Sa kabilang banda, ang pagbibigay ng takdag aralin ay isang pamamaraan ng “remedial” (para sa mga hindi gaanong nakuha ang aralin) “supplementary” (para sa mga pagkakataong hindi natapos ang aralin o nagkulang ang oras) at “enrichment” (para sa mga mag-aaral na nakuha ang aralin at layong malinang pa ito) at ito’y ginagawa’t ibinibigay lamang kapag kailangan.
Kailangan ba talaga ng house bill o republic act hinggil dito? Ito ay isang institutional policy operational problem ibig sabihin, ang ahensya mismo ng DepEd ay may kakayahang solusyunan ang problema sa loob lamang din ng institusyon. Isa ring dahilan kung bakit hindi pwedeng maiwasan o mapigilan ang mga guro sa pagbibigay ng takdang aralin ay ang mandato na tapusin ang mga learning competencies na nakatakda sa curriculum guide sa loob ng isang school year. Paano gagawin ng guro iyon? Paano nya ipagkakasya ang oras niya sa pagturo at siguraduhing lahat talaga ay nakaintindi nang hindi na kailangang magbigay ng takdang aralin tapos pagmumultahi  pa?
Sa panahon ngayon, may mga bagay na mas kailangang pagtuunan ng pansin, mga problemang mas nakakaapekto sa ekonomiya, pambansang seguridad, traffic, kalusugan at iba pa. Kung gusto nating umunlad ang Pilipinas, pagtuunan natin ng pansin ang edukasyon. Kung gusto nating umunlad ang edukasyon, pagtuunan natin ng pansin ang mga guro . Kung gusto nating umunlad ang mga guro, mahalin at pahalagahan natin sila. Hindi na nga mataas-taas ng pamahalaan ang kanilang sahod pagmumultahin pa sila. Kung kaya’t mas mainam ang regulasyon lamang sa pagbibigay ng takdang aralin ang ipairal, huwag ang pagbabawal. Regulasyon ang gawing aksyon. ###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *