KATUMBAS NG RESPETO
Reah G. Ayon
Tungao Central Elementary School
Department of Education Butuan City
Ang pagiging bakla, tomboy, lalaki o babae ay hindi isang self-entitlement. Hindi katulad ng PWD o persons with disabilities ang pagiging bakla, ang pagiging tomboy o kahit pa babae at lalaki.
Muling nanawagan ang ilang sektor na maisabatas na ang mga panukalang magpapataw ng parusa sa magsasagawa ng diskriminasyong nakabatay sa “sexual orientation” at “gender identity or expression” (SOGIE bill) – bagay na proprotekta sa mga lesbyana, bakla, bisexual, transgender atbp. Naging mainit na diskusyon dito kamakailan matapos arestuhin ang isang transwoman sa isang mall sa Quezon City na nais gumamit ng banyo ng babae kahit may anti-discrimination ordinance na umiiral sa lungsod. Maging si Cibac Partylist Rep. Eddie Villanueva ay hindi pabor sa SOGIE Equality bill na nagsusulong ng mga karapatan ng mga lesbian, gay, bisexual and transgender (LGBT) community dahil ayon sa kanya, magiging banta raw ito sa academic freedom at freedom of speech at hindi na magiging patas kung magpapasa ng batas para sa karapatan ng isang sektor lamang.
Layunin ng SOGIE equality bill ang pagpigil sa diskriminasyon laban sa mga tao sa kung anuman ang kani-kanilang kasarian o gender identity subalit sa kabila ng lahat ng mga nakalatag na layunin ng Sogie bill, marami pa rin ang nagsasabing hindi nasusulong ng sogie bill ang pagkapantay-pantay at labag din ito sa mga patakaran at kalakaran ng simbahan. Sa probisyon nito, inilalahad na dapat maging pantay ang treatment ng mga employers (private man o public) kahit anuman ang kanilang gender identity o ekspresyon ng kanilang sexual orientation.
Ano nga bang mangyayari kapag napatupad nang ganap ang sogie bill? Ano ang mga implikasyon nito? Ang mga Christian schools ay maapektuhan sa probisyong ito sapagkat kailangan nilang tanggapin ang mga estudyanteng mag cross-dress at mga estudyanteng parte ng LGBTQ+. Tinuturo ng mga religious schools na ito na kasalanan ang homosekswalidad at kumakampanya sila laban dito sa kadahilanang turo ng bibliya na dalawa lamang ang kasarian. Ang mga moralidad na kanilang itinuturo ay mapawalang-bisa at nagkokontradik sa probisyong ito.
Sa kabilang banda, karapatan ng bawat mamamayan ang respeto at paggalang. May kanya-kanya tayong mga buhay at mga karanasan sa iba’t-ibang mga sitwasyon. “We can safely say – and we have studied this proposition already – there’s no need for it. It’s a redundancy.” Ani Senate President Vicente Sotto III noong ika-30 ng Setyembre. Marami pang mga suliraning mas kinakailangang matuunan ng pansin na kinakaharap ang bansa sa halip na tumutok sa sogie bill. Hindi kailangan ng bansa ang Sogie bill upang matutong rumespeto at mas lalong hindi katumbas ng Sogie bill ang respeto. ###